Ang aH1N1 virus at ang Immune System
June 5, 2009
Scitek balita (May 31, 2009)
Broadcast release: Bago Yan Ah! DZMM
Sa nalalapit na pagbubukas ng mga paaralan para sa bagong school year, hindi maiaalis ang matinding pangambang nararamdaman ng mga magulang dahil nga sa mabilis na pagkalat ng h1n1 virus sa mundo. Gaano nga ba kaligtas ang mga batang pilipino sa sakit na ito? May paraan nga ba para maiwasan ito sa nagsisiksikang mga pampublikong paaralan sa Pilipinas?
Ayon sa isang huling pag-aaral ng centre for disease control and prevention sa Atlanta, Georgia, mas maliit ang epekto ng AH1N1 virus sa mga matatanda lalo na yung may edad sisenta hanggang sisenta’y singko, dahil mas developed na ang immune system nila kumpara sa mga bata. mahigit sa 64% daw kasi ng tinamaan ng ah1n1 sa amerika ay lima hanggang dalawampu’t apat na taong gulang. dahil dito, dagdag na ingat ang kailangan para maiwasan ang pagkalat nito sa mga kabataan sa mga paaralan.
Ayon sa mga eksperto, bukod sa madalas na paghuhugas ng kamay at pag-iwas sa matataong lugar, napakahalagang maunawaan ng lahat, lalo na ng mga magulang, na kailangang palakasin ang natural na kakayahan ng ating mga katawan laban sa impeksyon, para makaiwas sa kumakalat na mga sakit. Ang tao ay may immune system na binubuo ng mga natural na pamamaraan ng paglaban sa mga impeksyon dulot ng bacteria, fungi, virus at mga parasites na nakakapasok sa ating katawan.
Ang immune system ay binubuo ng mga proteins, cells, organs at tissues na nag-uugnayan upang labanan ang impeksyon.
Mistula itong isang masalimuot na military defense system na may iba’t-ibang hanay ng depensa, at uri ng sundalo na lumalaban sa iba’t-ibang uri ng infecting organisms na kung tawagin ay pathogens. Ang mga pathogens ay binubuo ng tatlong klase ng organisms:
<!–[endif]–>
1) Ang bacteria ay single-celled organisms na microscopic at dumarami ng kusa ng napakabilis. Ang bacterial infections ay maaring magdulot ng throat infections (streptococcus pyrogenes), tuberculosis (mycrobacterium tuberculosis), food poisoning (salmonella typhimurium, escherichia coli), pigsa (staphylococcus aureus) at cholera (vibrio cholerae).
2) Fungi – dumarami ng kusa kahit walang nangyayaring fertilization. Maaring magdulot ng sakit na tulad ng buni o ringworm (trichophyton mentagrophytes), alipunga (tinea pedis) o lung infection na dulot naman ng aspergillus. At ang pangatlo ay ang: 3) virus - na di hamak na mas maliliit pa kesa sa mga cells ng ating katawan at binubuo ng DNA o RNA. Ito ay dumarami lamang sa loob ng isang host cell at pumapasok sa iba pang mga cells pagkatapos nitong sirain ang host cell.
Viral infection ang dahilan ng mga sakit na katulad ng SARS o severe acute respiratory syndrome, HIV na sumisira naman sa immune system ng katawan, ang human papilloma virus o hpv na maaaring maging sanhi ng cervical cancer, influenza virus, german measles, simpleng sipon, bulutong o chicken pox, at cold sores o herpes simplex. Isa sa pinakamasalimuot na proseso sa ating adaptive immune system ay ang kakayahan nitong markahan at tandaan o kilalanin ang mga pathogens o infecting organisms upang sa gayon ay mas maging handa ito sa paglaban dito sakaling umulit ang sakit. Ang tawag dito ay adaptive immunity na pinagbasehan naman para makagawa ng mga bakuna laban sa iba’t-ibang sakit.
Kung nais nating lumakas ang ating depensa sa mga matitinding sakit na kumakalat, kailangang maging malusog at handa ang ating immune system para labanan ang mga pathogens na makakalusot sa mga pang-ibabaw nating proteksyon:
1. Kumain ng masustansyang mga pagkain lalo na yung may Vitamin C. Mas maigi kung sasabayan ito ng Vitamin C supplement. ayon sa mga pag-aaral, hindi lamang pinalalakas ng Vitamin C ang immune system, ito raw ay antiviral rin.
2. Uminom ng green tea. May taglay raw kasing polyphenols ang green tea. Ito ay may antiviral effect raw na mabisang panlaban sa influenza.
3. Gumamit ng turmeric (luyang dilaw) bilang pampalasa sa pagkain. Ang turmeric ay may curcumin na anti viral at anti oxidant din.
4. Siguraduhing may taglay na Vitamin E ang inyong pagkain o di kaya’y uminom ng Vitamin E supplement. May pag-aaral na tumutukoy sa Vitamin E para pahinain ang viral activity sa sandali ng impeksyon at maibsan ang epekto ng flu sa isang may sakit. Ang mga pagkaing tulad ng whole grains, berdeng dahon ng gulay, sardinas, egg yolk at mga buto ay mayaman sa Vitamin E.
5. Magdagdag ng whey protein sa inyong diet. Ito ay upang masigurong mas marami tayong mga protinang pangdepensa sa impeksyon at mas tumaas ang glutathione levels sa ating dugo. Ang glutathione ay tumutulong na palakasin ang ating immune system.
Wala pang natutuklasang bakuna laban sa Influenza A H1N1, ngunit sa tulong ng ating immune sytem at mga pamamaraang nabanggit, maaari naman magkaroon ng natural at likas na panlaban ang ating katawan.
Gamitin ang ating kaalaman sa Agham para paghandaan ang mga hamon sa ating buhay. (Courtesy of novovizcayano.i.ph)








